Malita, Davao Occidental · Est. 1982

Article

SPAMAST, KWF Pinagtibay ang Pakikipagtulungan sa Pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura

September 21, 2026
Home / Latest News* / SPAMAST, KWF Pinagtibay ang Pakikipagtulungan sa Pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura

Pinagtibay ng Southern Philippines Agri-Business, Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST) ang pakikipag-ugnayan nito sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pamamagitan ng pagtatatag at paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) para sa Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na ginanap ngayong Setyembre 21, 2026 sa Davao Oriental State University (DOrSU).

Bahagi ng seremonya ang Renewal ng Sentro ng Wika at Kultura ng DOrSU (SWK-DOrSU) at ang pormal na pagtatatag ng mga Sentro ng Wika at Kultura sa mga kalahok na institusyon, kabilang ang SPAMAST. Layunin nitong palakasin ang mga inisyatiba para sa pagpapaunlad, pagpapahalaga, pananaliksik, at pagpapalaganap ng wikang Filipino at kulturang Pilipino sa loob at labas ng akademya.

Personal na dumalo at kumatawan sa SPAMAST si Dr. Jovelyn L. Franca, Director ng Sentro ng Wika at Kultura ng SPAMAST, na siyang lumagda bilang kinatawan ng institusyon. Kasama rin niya si Bb. Michelle M. Elemino, College and Board Secretary, na kumatawan kay SPAMAST President Dr. Lynette A. Bontia sa nasabing aktibidad.

Sa pamamagitan ng MOU, inaasahang higit na mapalalakas ang mga programang pangwika at pangkultura ng SPAMAST, kabilang ang mga gawaing may kinalaman sa pananaliksik, pagsasanay, pagpapalaganap ng wikang Filipino, pangangalaga sa lokal na kultura, at paglinang ng kamalayan sa mga pamanang pangkultura ng mga pamayanan.

Ang pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura sa SPAMAST ay nagsisilbing mahalagang hakbang sa pagbibigay-halaga sa wika bilang instrumento ng edukasyon, komunikasyon, pananaliksik, at pagpapanatili ng pagkakakilanlang pangkultura. Sa pakikipagtulungan sa KWF at iba pang institusyon, layunin ng SPAMAST na makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga gawaing magtataguyod sa wikang Filipino at sa mayamang kultura ng Mindanao.

Sa patuloy na pagtataguyod ng wika, kultura, at kaalamang lokal, ipinapakita ng SPAMAST ang paninindigan nitong gawing bahagi ng makabuluhang edukasyon ang pagkilala at pagpapahalaga sa sariling identidad at pamana.

Ang inisyatibang ito ay nakaangkla sa Sustainable Development Goal (SDG) 4: Quality Education at SDG 17: Partnerships for the Goals, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng edukasyong nakaugat sa kultura at pagtataguyod ng matibay na pakikipagtulungan sa mga institusyong may iisang layunin para sa wika, kultura, at edukasyon.